Iyan ang madalas na sinasabi naming magpipinsan sa aming lolo, ang Itay. Tuwing umaga, gigising siya ng mga alas syete para magtimpla ng kape. Magdadala s‘ya ng monoblock chair sa harap ng aming gate at doon uupo upang inumin ang kaniyang kape. Kung mayroon mang kaming CCTV sa poste ng aming gate, makikita nito na araw araw ay doon palagi ang puwesto ni Itay.

Dati nga ay kasama n‘ya pa si Inay, ang aming lola. Ngunit, imbes na umupo at magkape, madalas ay naglalakad-lakad at nagsstretching si Inay sa kalsada. Minsan pa nga ay mapapasarap ang kaniyang pakikipagusap sa may-ari ng tindahan; si Aling Violi. Kapag naman napaaga rin kami ng gising ng pinsan ko, sasamahan namin siyang maglakad-lakad dito sa amin.

Ang poste ng aming gate, kung saan kami sumasandal kapag binabantayan ang mga bata kong pinsang naglalaro sa daan, kung saan kami nagsusulat nang kung ano-ano para magpalipas ng oras, kung saan kami tumatambay habang inaantay ang pagbabalik ng aming mga magulang galing trabaho; ang poste ng gate na nakakita sa aming masasayang ala-ala kasama ang aking lola.

Natatandaan ko pa noong birthday ni Itay, hindi ko na natatandaan kung kanino galing pero mayroong nagbigay sa amin ng wine. Tinanong ko pa si Inay kung pwede naming inumin at pumayag naman s‘ya dahil mabuti raw ito para sa aming kalusugan. Dumating pa noon ang isa ko pang tito, nagkwentuhan kami saglit bago umalis na ulit ang aking tito; sa pagkakatanda ko ‘yun ang una at huling beses na bumisita s‘ya sa amin na buhay pa si Inay.

Simula noong nawala si Inay ay hindi ko ito binabanggit sa kahit na sino, maging sa aking mga kaibigan. Hindi dahil nahihiya ako o nagalit, pero sa kadahilanang hindi ko makayang maalala muli ang kan‘yang paglisan. Noong dinala sa hospital si mama dahil manganganak na s‘ya, kaming dalawa ni Inay ang naiwan sa bahay. Hindi na rin kami nakatulog dahil maya‘t-maya kaming tumatawag sa kanila para malaman kung nanganak na nga ba si mama.

Tanda ko pa ang panay na pagpahid ni Inay ng katinko para maagapan ang pananakit ng kaniyang balikat. Nagpabili pa siya noon ng salonpas at pinalagay sa akin ang putol-putol na mga piraso nito sa kan‘yang balikat para hindi agad maubos. Hindi rin s‘ya nawawalan ng supply ng mga ito sa kan‘yang bag kapag umaalis; lalong hindi rin s‘ya nwawalan ng snowbear.

Tanda ko pa kapag hapon ay pumu-puwesto s‘ya malapit sa pintuan ng kanilang kwarto para manood ng misa at magdasal, doon namin s‘ya palaging nadadatnan pagkagaling naming maglakad paikot-ikot sa subdivision. Kapag naman kami ay naglalaro sa labas ng card games, susunduin n‘ya kami para ayaing kumain.

Noong minsan na nakahiga ako sa kama nila sa kwarto, kinalbit ako ni Itay sa balikat at sabay tumuro sa labas, “Tignan mo s‘ya doon sumasayaw” sabi ng Itay habang pinipigilan ang kan‘yang pagtawa. Pagkasilip ko ay sumasayaw nga si Inay, kaya dali-dali kong nilabas ang aking selpon para makuhanan s‘yang sumasayaw. Sayang nga lang at 8 na segundo lamang ang bidyo, biniro ko na kasi ang Inay at nagtawanan kami pero patuloy parin s‘ya sa pagsayaw.

Tuwing naaalala ko ang mga panahong ‘yun; hindi ko mapigilang umiyak sa saya at lungkot. Masaya ako dahil hindi gaya ng aming ilang mga nakababatang pinsan, nakasama namin ang Inay na mga dalaga na kami. Malungkot ako dahil naiisip kong wala na dito si Inay para makita kaming lumaki.

Wala man ang Inay dito, pero nand‘yan si Itay para alagaan kami, lagi n‘ya rin kaming binibiro kapag makakakuha s‘ya ng tyempo. Si Itay ang palaging nagtatanggol sa amin kapag pinapagalitan kami nila mama, madalas nga ay nauuwi ito sa mga sermon n‘ya para kari mama. Nakakatuwang isipin na mapalad akong nand‘yan parin ang aking lolo, kaya ngayon pa lamang ay sinusulit ko na.

Sana‘y dumating ang araw na kapag dinala ni Itay ang monoblock chair sa harapan ng aming gate para umupo ay inumin ang kan‘yang kape, nandoon si Inay para magstretching at magpaaraw sa kalsada kasama namin habang nakikipagchikahan sa may-ari ng tindahan. Dumating sana ang panahon na makikita muli ng posteng ‘yon ang aming mga tawanan at usapan habang nakasandal dito.

“Ne, gising na, kakain na tayo!” sabing pasigaw ni Inay habang niyuyugyog kasabay nang pagkiliti ni Itay sa aking tagiliran para piliting bumangon.

Panaginip lang pala; panaginip lang sana.