Noong unang panahon, may mga bahagi ng halaman at hayop na pinaniniwalaang nagtataglay ng pambihirang kapangyarihan—mga kapangyarihang nagbibigay-lakas, suwerte, proteksiyon, panghaw-as, at maging kakayahang masilayan ang hinaharap. Ang mga ito ay ipinagkakaloob lamang sa mga taong tunay na karapat-dapat sapagkat lubhang mapanganib kapag napunta sa kamay ng masasamang nilalang.

Isa sa mga naghahangad na makuha ang mga ito ay si Lucian, ang Hari ng mga Itim na Elemento. Kailangan niya ang mga mahiwagang kapangyarihang ito upang manaig sa lahat at tuluyang mabuksan ang lagusan ng mga halimaw patungo sa mundo ng tao.

Kabanata Uno: Introduksiyon

Isang umaga ng Mahal na Araw, dagsa ang mga taong nakikilahok sa prusisyon. Kabilang sa mga naglalakad ang batang si Homar at ang kanyang lolo na si Gavino. Habang taimtim na sumusunod sa prusisyon, napansin ni Homar ang isang estrangherong kakaiba ang kilos. Tahimik itong may inuusal na hindi maintindihan habang mahigpit na hawak ang tila isang lumang anting-anting.

“Lolo, ano po bang ginagawa ng mamang iyon?” nagtatakang tanong ni Homar.

“Huwag mo na siyang pansinin. Makinig ka na lamang at sumabay sa pagdarasal,” mahinahong sagot ni Gavino.

Matapos ang prusisyon ay agad na nagpaalam si Homar sa kanyang lolo upang makipaglaro sa kanyang mga kaibigan.

“Lo, sasama muna ako kina Mel at Pon sa liwasan,” paalam ni Homar.

“Sige, basta’t umuwi ka bago mag-alas kuwatro ng hapon,” paalala ni Gavino.